Hindi ako naniniwala sa multo. Imagination lang yan, pare. Parang mga character sa comics na kinokolekta ko. Mga kuwento lang yan ni Madel, yung katulong namin sa bahay. May nunal daw siya sa mata kaya nakakakita siya ng multo.
Isang nakakatamad na tanghali, nilito namin si Miss Baluyot, ang teacher namin sa Biology, para hindi siya magturo ng taxonomy ni Aristotle. “Sige na, ma’am!” biro namin. “Sabagay, class, I know you just came from lunch,” eksplika niya. Kaya raw kami inaantok dahil busy ang tiyan namin sa pag-grind ng pagkain.
“Ma’am naniniwala ba kayo sa multo?” tanong ng isang makulit na kaklase ko.
Tumayo si Miss Baluyot at tinungo ang harapan ng teacher’s table. Tiningnan ko isa-isa ang mukha ng mga kaklase ko. May abot-tenga ang ngiti. May mga nanghahampas ng armed chair. Roudy na ang klase. Sinutsutan kami ni Miss Baluyot. Pag hindi kami tumahimik, hindi siya magkukuwento. Nakauto na naman ang mga kaklase ko, nasasaloob ko.
Habang nagdo-drowing ako ng anime character sa sketchpad ko, pinakikinggan ko si Miss Baluyot.
First teaching job niya sa Mataas na Paaralan ng Heneral sa Tupi, General Santos nang mangyari ang experience niya.
Room 4. Maliit ang kwartong iyon. Madilim pero malinis at maayos naman.
Kinuha niya ang kanyang plastic ruler mula sa drawer at saka niya ipinagpatuloy ang paglilista ng mga estudyante para sa kanyang Science class. Biology rin ang itinuro niya noong una.
Habang nagsusulat, may lumitaw na anino sa peripheral vision niya. Nang lingunin niya ang anino, may nakita siyang isang estudyanteng babae na lumapit sa kanya mula sa pinto.
Ang babae ay nagpakilala sa pangalang Agnes at transferee mula sa Iligan. Maamo ang mukha, malungkot. “Sige,” sabi ni Miss Baluyot kay Agnes. “I’ll confer with the principal. See you next class.” Tumango lang si Agnes at tinungo ang pinto.
Simula noon, araw-araw nang pumapasok si Agnes. Itinataas niya ang kanyang kamay tuwing tinatawag ang kanyang pangalan habang nagro-roll call si Miss Baluyot.
Nang mga panahong ding iyon, nagtataka ang kanyang mga estudyante kung bakit panay ang tawag niya ng Agnes habang nakasilip sa bakanteng upuan sa tabi ng bintana.
Isang umaga, papunta siya sa Room 4 nang marinig niya mula sa corridor ang ingay ng klase. Napabuntong-hininga na lang siya.
Nang makarating siya sa silid, dire-diretso siya sa teacher’s table at sinimulan ang pagtse-check ng attendance. Ilang ulit niyang tinawag ang pangalan ni Agnes pero walang sumagot sa kanya. Napansin niyang wala si Agnes sa upuan nito.
“Class, have you seen Agnes this morning?” tanong niya sa klase.
Lumitaw ang pagtataka sa mukha ng mga estudyante niya. “We don’t know, ma’am,” sabad ng isa.
“Maybe she informed your adviser that she’s going to be absent today. Anyway…” May nagtaas ng kamay mula sa likod ng klase.
“Yes, Maclang?”
Tumayo ang tinawag. “Ma’am, ahhm.. Wala po kaming kilalang Agnes po.”
“What do you mean?”
“Yes, ma’am. Wala pong Agnes dito sa class.”
Isa-isa niyang tiningnan ang mukha ng mga estudyante niya pero iisa lang ang sagot nila. Wala silang kaklaseng Agnes.
Naguluhan siya sa mga pangyayari. Baka pinaiikot lang ng klase ang puwet niya dahil bagong teacher siya kaya pumunta siya sa registrar’s office para alamin kung may naka-enrol na Agnes sa klase niya.
Laking gulat nya nang malamang wala sa listahan ng mga bagong estudyante si Agnes. Pinuntahan niya ang prinsipal.
“Miss Baluyot,” anang prinsipal na humarap sa kanya, hawak ang isang lumang folder. “Do you mean Agnes Reyes?”
“Yes,” sagot niya sa prinsipal.
“Yes, there’s a student here named Agnes Reyes. But she’s gone, Miss Baluyot. I mean, she’s already dead.”
Nabitawan ni Miss Baluyot ang hawak niyang Biology book.
“Are you okay, Miss Baluyot?”
Pinulot niya ang textbook at tulala siyang lumabas sa principal’s office.
Simula noon, may mga estudyanteng sunud-sunod na nasasaniban. May nakikita raw na kalansay ang mga estudyante sa Room 4. Lagi nilang binabanggit ang pangalan ni Agnes. Gusto raw niyang mahukay ang mga buto niya na nalibing sa likod ng silid. Nag-decide ang prinsipal na magpamisa sa school tuwing Biyernes. Katahimikan ng kaluluwa ni Agnes ang ipinagdarasal nila.
May isang local TV station na pumick-up ng istorya. Sabi sa balita, tuwing gabi, may mga motoristang napapadaan sa harap ng school at nakakakita ng babaeng estudyanteng nakaputi, mahaba ang buhok, at hindi maaninag ang mukha. Ayon sa kanila, kumakaway ang babae. Animo may gustong sabihin. Kaya nagmemenor ang mga motorista kapag napapadaan sila sa paaralan lalo na kapag disoras ng gabi para makaiwas sa anumang kapahamakan.
Isang security guard naman na ininterview ang nagsabi na may naririnig sila tuwing nagroronda sa gabi. Animo may taong naglalakad na may nakakabit na kadena sa paa na hinihila mula sa silid na yun hanggang sa dalawang kalapit na silid.
Natawa kami sa binanggit ni Miss Baluyot.
“Baka nalipasan ng gutom yung guwardiya, ma’am,” biro ng kaklase ko.
“Maybe…” pakli ng aming guro.
Isang first year student ang unang pinagpakitaan ni Agnes sa comfort room. Pugot ang kanyang ulo. Hinayaan lang diumano ng naturang estudyante ang nakita. Pero makalipas ang dalawang araw, nagpakita ulit ito sa kanya.
Kuwento naman ng isang English teacher, isang araw may pinagawa siyang seatwork sa mga estudyante niya. Nasulyapan niya ang isang batang may katamaran at kahinaan ang ulo. Nagtaka ang guro kung bakit hindi nito ginagawa ang binigay na seat work. Nang ipasa ang bata ang papel, laking gulat nya nang makitang may nakasulat sa papel gamit ang isang pulang ballpen at tama lahat ng sagot.
Maya-maya’y sinapian ang bata at dinala sa faculty room. Mga sampung tao rin ang nagtanong kung sino sya. Hanggang sa nalaman nilang si Agnes ang pumasok sa katawan ng bata.
Agad na nagpamisa ang school. Habang nagdadasal ang mga guro at estudyante, lumutang ang amoy na hindi nila maintindihan kung ano. Biglang umakyat sa gate ng school ang batang sinapian ni Agnes. Nabulabog ang lahat.
Hinukay ang mga buto ni Agnes sa likod ng Room 4. Makalipas ang dalawang taon, hindi na ulit sya nagparamdam.
Nang lingunin ko ang mga kaklase ko, natawa ako dahil tahimik silang nakatitig kay Miss Baluyot.
“Ano ang nangyari kay Agnes, ma’am?” singit ng isang kaklase ko.
“You know, class. Biktima si Agnes ng isang karumal-dumal na krimen. She was raped sa isang sulok ng building before it was finished. Where Room 4 was situated till now.”
Sakto nag-ring ang bell. Nagsigawan ang mga kaklase ko. Box office ang kuwento ni ma’am.
Hindi ako naniniwala sa multo, pare. Pero kinilabutan ako nang tingnan ko ang sketchpad ko. I was supposed to draw a bishounen, pare. Pero isang babaeng naka-school uniform ang nai-drawing ko. It gave me the creeps. Hindi ko ito sinabi sa mga kaklase ko pero hanggang ngayon, nakatabi pa rin ang papel.