By Beltsasar Alfred Petel, Davao Eagle Online
Bigkis ng palad sa haplos daloy ang kalinga
Sa liwanag na taglay pusong pag-ibig ang adhika
Pagsibol ng bunga sa pag-asa ang baybay ginunita,
Sa pagsilip sa silangan, bayan kong duon nagmula.
Yari sa pawid nagsilbing tikas at lakas
Binuo sa putik sandigan ang kagawaran
Hinabi ng kamay tila banayad ang lumbay
Sa taas ng kawayan nagsilbing kamalayan.
Nagsimula sa saplot tangis ng pagmamahal
Sa pag-iyak nang sanggol pagmulat sa karimlan
Haligi sa kisig, sa tapang ng amang dumukha,
Ang ilaw na tangan gabay nang inang nagsisilbi.
Paano nga ba matatawag na tahanan,
Kung bungad nito’y malayo sa kahulugan?
Sa daloy ng panahon isang ugat ng kaguluhan
Mauuwi sa lalim ng sugat na tila dinadagdagan.
Pag-ibig, pangunahing pamantasan na yumakap
Pusong ligaw tatangayin sa kaluwalhatian
Isip na magmamasid sa tangis ng kabiguan
Na umiintindi sa napapag-aral sa ginintuang pangaral.
Iba’t-iba mang pagganap sa pangaral na kinagisnan;
Pagkakaiba, sa tahanan lahat ang turingan ay iisa
Sa ginintuang pangako na kakapit sa patalim,
Pag-ibig na lubos sa pamilya ay di maninimdim.
Ang tula na ito ay kalahok sa Saranggola blog awards 5