Site icon Davao Eagle Online

Statement of President Aquino on typhoon Yolanda

Magandang gabi po sa lahat. Katatapos lang nating kausapin ang mga dalubhasa mula sa DOST, PAGASA, at Mines and Geosciences Bureau kung saan natin kinuha ang pinakahuling datos at inaasahang gagawin ng bagyo.

Alam naman po ninyo na si Yolanda ay pumasok na sa ating Area of Responsibility. Tulad ng ginawa natin noong pagdating ni Pablo noong nakaraang taon, minabuti ko pong humarap sa inyo upang ipabatid kung gaano kaseryoso ang peligrong kakaharapin ng ating mga kababayan sa darating na mga araw, at upang manawagan ng bayanihan at kooperasyon.

Umabot na, at aabot pa, sa storm signal number 4 ang lakas ng hangin sa ilang mga lugar dulot ng bagyong ito. Sa kasalukuyang datos, mukha pong mas matindi ang hagupit ni Yolanda kaysa kay Pablo; nagdarasal na lang nga po tayo na dahil sa tulin ng takbo nito, ay hindi na siya pumirmi sa ating mga lalawigan upang gumawa ng mas marami pang pinsala. Nasa 600 kilometro po ang diameter ng bagyong ito. Inaasahan pong tatama si Yolanda sa mga probinsya ng Samar at Leyte simula mamayang hatinggabi; babagtasin nito ang mga probinsya ng Masbate, Cebu, Panay, Romblon, Mindoro, at Palawan, bago tuluyang lumabas sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng gabi. Bukod sa inaasahang bugso ng hangin, ulan, pag-apaw ng mga ilog, pati ang posibilidad ng pagdagsa ng lahar sa mga pook malapit sa bulkan ng Mayon at Bulusan, mino-monitor din po natin ang banta ng mga storm surge sa mahigit isandaang mga pook. Matindi ang panganib ng storm surge sa Ormoc, Ginayangan Ragay Gulf sa Albay, at Lamon Bay sa Atimonan. Maaaring umabot ng lima hanggang anim na metro ang taas ng alon sa mga lugar na ito.

Nasa Leyte na po sina Secretary Volts Gazmin at DILG Secretary Mar Roxas upang pamunuan ang paghahanda sa paglapag ni Yolanda. Ang lahat ng ating mga Disaster Risk Reduction and Management Council—mula sa pambansa, hanggang sa rehiyonal, pababa sa antas ng mga munisipyo at lungsod, ay naghahanda na rin po. Siyempre, kooperasyon ng mga mamamayan ang inaasahan para magampanan nila ang kanilang trabaho. Nariyan po ang NDRRMC na nakikipag-ugnayan sa mga apektadong lalawigan, munisipyo, at lungsod, upang paghandaan ang bagyo, tulad ng pagbibigay ng lahat ng impormasyong maaaring ibigay, nang mapaghandaan nang sapat si Yolanda. Para sa dagdag na kaalaman, pumunta po tayo sa mga website ng PAGASA, Mines and Geosciences Bureau, at ng Project NOAH upang makita kung gaano kaapektado ang inyong komunidad sa pagdating ng bagyo. Magsilbi rin po sanang babala ang pahayag na ito sa ating mga LGU: Seryosong peligro po ang kinakaharap ng inyong mga nasasakupan. Gawin na po natin ang ating magagawa habang hindi pa lumalapag si Yolanda. Uulitin ko po: Seryosong peligro ito, at maaaring mabawasan ang epekto kung gagamitin natin ang impormasyon upang maghanda.

Fully mission capable po ang tatlo nating C130 upang rumesponde sa nangangailangan. Naka-standby na rin po ang 32 na eroplano at helicopter ng ating Air Force. Nakapusisyon na po ang 20 barko mula sa ating Philippine Navy sa Cebu, Bicol, Cavite, at Zamboanga. Ang mga relief goods ay naka-preposition na rin sa karamihan ng mga apektado o maaaring maapektuhang lalawigan; sa mga hindi pa po naaabot dahil pinagbawalan nang pumalaot ang mga barko dahil sa peligro, umasa po kayong darating agad ang tulong paghupa ng bagyo.

Maaari pong maibsan ang epekto ng bagyong ito kung magtutulungan tayo. Magpamalas po sana tayo ng hinahon, lalo na sa pagbili ng ating mga pangunahing bibilhin, at sa paglikas tungo sa mas ligtas na mga lugar. Makipag-ugnayan at sundin po natin ang awtoridad. Lumikas na po tayo kung alam nating nasa peligro ang ating pook. Sa mga nasa baybayin: Huwag na po tayong pumalaot; huwag na po tayong sumugal upang hindi na rin malagay sa peligro ang buhay ng ating mga rescuer.

Marami na po tayong pinagdaanan sa taong ito; tulungan na po sana natin at huwag nang pahirapan ang ating mga Disaster Risk Reduction and Management Councils at kanilang mga personnel. Gaya po ng lagi, alam nating walang bagyong maaaring magpaluhod sa Pilipino kung tayo’y magbabayanihan. Nawa’y maging ligtas po ang lahat sa mga susunod na araw.

Maraming salamat at magandang gabi po sa lahat.

 

Exit mobile version